Senado at Kamara nagkaisa sa pagpapaliban ng Barangay, SK polls
MANILA, Philippines - Suportado ng mga senador at kongresista ang kahilingan ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas na ipagpaliban ang nakatakdang barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa darating na October ng kasalukuyang taon.
Nagkakaisa sina Senate President Juan Ponce Enrile, Senators Juan Miguel Zubiri, Ferdinand “Bongbong” Marcos at Ralph Recto na ipagpaliban ang Barangay at SK election.
Maging sa Mababang Kapulungan ng Kogreso ay suportado ito ng mga kongresistang sina Minority Leader Edcel Lagman, Anthony Golez, Luis Villafuerte, Pedro Romualdo, Victor Ortega, Gabriel Quisumbing, Maria Carmen Zamora-Apsay at Manny Pacquiao.
Ipinagpasalamat naman ang suportang ito ni Liga ng mga Barangay sa Pilipinas President, Councilor Ricojudge “RJ” Echiverri, sa mga senador at kongresista sa kanilang kahilingan na ipagpaliban ang nakatakdang halalan sa Oktubre.
Aniya, sa halip na gumastos ng mahigit tatlong bilyong piso ang kasalukuyang administrasyon sa gaganaping barangay at SK elections ay magagamit ang nabanggit na pera sa iba’t-ibang basic social services na pakikinabangan ng ating mga kababayan, lalo na ang mga nangangailangang kababayan sa Mindanao.
Naniniwala rin si Echiverri na kulang ang tatlong taong termino ng mga barangay officials dahil sa sangkaterbang gawain na nakaatang sa balikat ng mga kapitan at kagawad ng barangay.
- Latest
- Trending