'Martial Law' sa BI
MANILA, Philippines - Nagpalabas ng bagong memorandum order si Immigration Commissioner Ronaldo Ledesma patungkol sa mga ‘bulakbol’, abusado, pala-absent at madalas ma-late sa trabaho.
Kabilang sa mahigpit na imomonitor ngayon ang oras ng pagpasok at pag-uwi ng mga personnel, na kinabibilangan ng mga empleyado at hepe ng bawat dibisyon at section, mga supervisor. national heads, confidential agents, at co-terminus o maging ang contractual employees.
Partikular na babantayan ang work schedule na mula 7:00 ng umaga hanggang 5:30 at ang attendance na ibabatay sa biometrics based bundy clock.
Obligado na rin ang lahat ng empleyado ng BI na dumalo sa regular na flag raising ceremony na idinadaos tuwing 7:15 ng Lunes.
Ang hakbang ay bunsod ng nakarating na ulat kay Ledesma na marami ang umaabuso sa dating alternative attendance system ng bureau, kung saan nagagawa ng ilang mga kawani na magbulakbol sa oras ng trabaho.
Nagbabala din si Ledesma na papatawan ng kaukulang parusa ang mga madalas ma-late at panay ang absent.
- Latest
- Trending