Mga motorsiklo bibigyan ng sariling lane sa kalsada
MANILA, Philippines - Dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga aksidente sa lansangan, isinusulong na ngayon sa Senado ang panukalang batas na naglalayong magkaroon ng sariling lane o linya ang mga motorsiklo.
Sa Senate Bill No. 871 na inihain ni Senator Jinggoy Estrada, sinabi nito na mas dumarami na ngayon ang gumagamit ng motorsiklo dahil mas mura ito at mas matipid kaysa sa mga sasakyang may apat na gulong.
Ayon kay Estrada, panahon na upang magkaroon ng sariling linya ang mga motorsiklo lalo pa’t karamihan sa mga motorcycle drivers ay hindi disiplinado at walang sinusunod na regulasyon sa paggamit ng kalsada.
Kung maging batas, tatawagin itong “Motorcycle Lane Act of 2010” at magkakaroon ng isang metrong lane ang mga motorsiklo na tutukuyin ng Department of Public Works and Highways at ng mga local government units.
Maaari rin umanong italaga para sa mga motorsiklo ang lanes na itinalaga ng ilang local government units para sa bisikleta o biking lanes.
Ang mahuhuling hindi gumagamit ng motorcycle lanes ay papatawan ng parusang pagkabilanggo ng hindi lalampas sa anim na taon o multang hindi bababa sa P5,000 pero hindi lalampas sa P20,000.
Maglalaan naman ang gobyerno ng P10 milyon para maipatupad ang panukala.
- Latest
- Trending