MANILA, Philippines - Ibinulgar ng isang party-list congressman ang “midnight importation” ng piling bahagi ng manok na nagresulta sa surplus na apat na milyong metriko tonelada ng poultry products at pagbagsak ng farmgate price ng buhay na manok.
Sinabi ni Rep. Angelo Palmones ng Agham party-list na dumating ang bulto ng imported chicken parts sa bansa noong Hunyo at ngayo’y nakikipagkompitensiya sa local na produkto, kaya bumagsak ang presyo ng buhay na manok sa P58 kada kilo.
“This midnight importation is now wreaking havoc in the local poultry industry in the country,” wika ni Palmones.
Ang break-even price para sa chicken poultry production ay P64 bawat kilo.
Bilang resulta ng bagsak-presyo, nagbabala na ang mga local na poultry raisers ng tigil-operasyon upang makaiwas na sa dagdag pang pagkalugi na maaaring magresulta sa kakulangan ng manok bago matapos ang taon.
“If the problem is not addressed there’s a possibility of a Chicken-less Christmas by December,” wika ni Palmones.
Sinabi ng party list congressman na nakatakda nang mag-imbestiga ang House committee on agriculture sa “midnight importation” na unti-unti nang pumapatay sa local poultry industry.
Aniya, kapag tumigil ang local farmers na magpalaki ng manok, tatagal lang ng ilang buwan ang stock at posibleng wala nang mabiling manok sa Disyembre.