P125 umento ilalaban sa Senado
MANILA, Philippines - Muling isinusulong ngayon sa Senado ang panukalang batas na pagdadagdag ng P125 sa suweldo ng empleyado sa pribadong sektor.
Sa Senate Bill No. 812 ni Senator Jose “Jinggoy” Estrada na “The 125 Daily-Across-the Board Wage Increase Act”, nakasaad na ginagarantiyahan ng Konstitusyon ang pagkakaroon ng disenteng sahod ang mga manggagawa pero hindi na umano ito natutupad dahil sa patuloy na inflation at pagbaba ng halaga ng Piso.
At kahit mayroon naman umanong National Wages and Productivity Board Commission at Regional Tripartite Wages and Productivity Boards na nagtatakda kung magkano ang dapat na minimum wage sa isang partikular na lugar o rehiyon, nababagalan naman ang mga manggagawa sa pagkilos ng mga boards kaugnay sa petisyon ng wage increase.
Mas nais na umano ngayon ng labor sector na bumalik sa dating sistema kung saan isinasabatas ng Kongreso ang pagtaas ng sahod ng mga manggagawa.
Ayon pa kay Estrada, napapanahon na upang dagdagan ng P125 ang arawang sahod ng mga empleyado sa private sector lalo pa’t hindi naman bumababa ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa.
Kung maging ganap na batas, hindi naman agad-agad na ibibigay ang P125 umento dahil hahatiin ito sa tatlong bigayan, P45 ang unang dagdag at susundan ng P40 sa kasunod na taon at P40 sa ikatlong taon upang makumpleto ang kabuuang P125 wage increase.
- Latest
- Trending