MANILA, Philippines - Pinayagan kahapon ng Hong Kong court si Ilocos Sur Rep. Ronald Singson na makapagpiyansa ng halagang HK$1 milyon o halos P6 milyon para sa kanyang pansamantalang kalayaan bunga ng kinakaharap na kasong drug trafficking.
Sa kanyang pagharap sa Tsuen Wan Magistry’s Court, pinayagan ng hukom si Singson na makalabas pansamantala sa kulungan kasunod ng paghahain ng petition to bail matapos na siya ay masabat at mahulihan ng 26.1 gramo ng cocaine at dalawang tableta ng valium noong Hulyo 11.
Ang isang milyong HK dollars ay bilang surety bond na binayaran ng dalawang negosyante sa HK na may mga negosyo rin sa Pilipinas na nakilala sa mga pangalang Annie Shie, umano’y malapit kay Ilocos Sur Gov. Luis “Chavit” Singson at isang Derrick Wong na siyang kukuha ng kustodya sa nakababatang si Singson.
Inatasan ng korte si Rep. Singson na isumite ang lahat ng kanyang travel documents upang matiyak na hindi siya lalabas ng Hong Kong habang dinidinig ang kanyang kaso.
Sinasabing kabilang sa mga dumalo sa pagdinig sa kaso ni Singson ay ang kanyang ama at ang napapabalitang nobya ng kongresista na si Lovi Poe.
Itinakda ng korte ang susunod na pagdinig sa Setyembre 7.
Inaresto si Rep. Singson habang papasok sa Chek Lap Kok International Airport matapos na makita ng HK customs authorities sa kanyang hand carry bag ang mga droga.
Gayunman, sa isinagawang pagsusuri, umaabot lamang sa 6.7 gramo ng cocaine ang dala ni Singson matapos na ibawas ang bigat ng botelya ng pinaglagyan nito.
Nagpasalamat naman si Gov. Singson sa dalawang negosyante na nagsilbing guarantor sa pagbibigay ng bail upang makalaya ang kanyang anak.
Nabatid na hindi pinayagan ng korte sa HK na magmumula sa pamilya ni Singson ang pagbibigay ng bail.
Sa ilalim ng batas sa HK, si Rep. Singson ay posibleng makulong ng tatlo at kalahating taon kapag napatunayan na guilty sa pagdadala ng nasabing timbang ng droga.