MANILA, Philippines - Gaano man kasakit, handa ng tumahak sa isang madilim na landas na puno ng mga pagsubok ang na-demote na si Navy Rear Admiral Feliciano Angue.
Ito’y kasunod ng tuluyang paglisan kahapon ni Angue bilang Commander ng AFP-National Capital Region Command (NCRCOM) na isinalin nito sa kaniyang mistah sa PMA Class 78 na si Major General Arthur Tabaquero.
Mistulang nagluksa naman ang mga staff, opisyal at mga tauhan ng AFP-NCRCOM habang isa-isang kinakamayan ni Angue.
Sa nasabing turnover ceremony, ikinumpara ni Angue ang kaniyang sarili sa isang bituin sa gitna ng dilim.
“Sa mga nangyayari sa AFP, I feel from here on, a dark path but I am not afraid, I do not guarantee a smooth travel but I will guarantee a safe voyage,” ani Angue.
Sa kabila nito, may pahabol si Angue na hindi dito natatapos ang lahat at itutuloy niya ang kaniyang ipinaglalaban upang maituwid ang nabaluktot at prostitusyon ng promosyon sa AFP na dinadaan sa palakasan at bata-bata system.
Pansamantalang magbabakasyon muna ang heneral upang makapiling ang kaniyang pamilya bago harapin ang panibagong hamon sa kaniyang buhay bilang bagong pinuno ng Naval Forces Western Mindanao na nakabase sa Zamboanga City.
Magugunita na ibinulgar ni Angue na nasangkot umano sa pamumulitika nitong 2010 national elections ang ilang heneral ng AFP na nabiyayaan ng magagandang puwesto ngayon sa serbisyo militar.
Isa rin si Angue sa testigo sa kontrobersyal na Hello Garci o ang malawakang dayaan noong 2004 national elections.