MANILA, Philippines - Binalaan kahapon ni AFP-National Capital Region Command (NCRCOM) Chief Major Gen. Arthur Tabaquero ang sinumang grupo ng mga sundalo na huwag magtatangkang maglunsad ng posibleng coup plot laban kay Pangulong Aquino.
Si Tabaquero ang pumalit sa na-demote nitong mistah na si Rear Admiral Feliciano Angue sa Philippine Military Academy (PMA) Class ’78. Si Tabaquero, isang rebel hunter bagaman produkto rin ng PMA Class ’78 ay nalagay sa puwesto dahil kamag-anak umano ito ng Misis ni AFP Chief of Staff Lt. Gen. Ricardo David.
“My mandate is to secure the National Capital Region, I will see to it that Metro Manila is a secure environment and I will protect the seat of government,” ani Tabaquero sa panayam matapos ang turnover ceremony sa nasabing command.
Ginawa ni Tabaquero ang pahayag sa gitna na rin ng kumakalat na manifesto ng mga nagpakilalang junior officers na naalarma sa expose ni Angue sa sistema ng promosyon sa AFP na nabahiran na umano ng pulitika at dinadaan sa palakasan.
Ayon kay Tabaquero, maayos na ang sistema sa gobyerno kaya hindi na dapat pang magsipag-aklas ang mga sundalo.
Sa gitna nito, naniniwala si Tabaquero na natuto na ang mga sundalo kaya hindi ang mga ito magtatangkang mag-aklas laban sa gobyerno ni P-Noy.