MANILA, Philippines - Sa kabila na post-pandemic period na ang Influenza AH1N1 virus, kailangan pa ring mag-ingat ang publiko laban dito.
Ginawa ni Health Secretary Enrique Ona ang pahayag kasunod ng announcement ng World Health Organization (WHO) na hindi na maituturing na banta ang AH1N1 virus sa kalusugan ng tao.
Una nang sinabi ng WHO na maihahambing na lamang sa karaniwang lagnat ang AH1N1 flu.
Dahil dito, maaari nang magamot ang sakit nang hindi na gumagamit ng mga anti-viral treatment.
Gayunman, tiniyak ni Ona na kahit hindi na banta ang virus, mananatiling mapagbantay ang kagawaran upang agad na malunasan sa sandaling umatake muli ang nasabing virus.
Panatilihin lamang na malinis ang pangangatawan at maging ang paligid upang maiwasan na madaling makapitan ng sakit.