MANILA, Philippines - Bilang suporta sa Organisasyon ng mga Pilipinong Mang-aawit (OPM), ipinag-utos ni Pangulong Aquino sa National Telecommunications Commission (NTC) na siguraduhing nasusunod pa rin ng mga istasyon ng radyo partikular ng mga FMs ang Executive Order na nag-uutos sa pagpapatugtog ng hindi bababa sa apat na orihinal na kantang Pinoy sa bawat oras ng mga music programs.
Ayon sa Malacañang, mistulang nakakalimutan na ng mga istasyon ng radyo ang matagal nang EO at mas napapahalagahan ang mga musikang galing sa ibang bansa.
Ginawa ni Aquino ang nasabing kautusan sa NTC matapos niyang panumpain ang mga opisyal ng Organisasyon ng mga Pilipinong Mang-aawit noong Biyernes ng hapon.
Nanguna sa mga opisyal ng OPM si Ogie Alcasid na tumatayong presidente at Mitch Valdez, OPM chairperson.
Isa si Ogie at ang kasintahan nitong si Regine Velasquez sa mga sumuporta kay Aquino noong tumakbo itong presidente ng bansa.
Napaulat na isa ang Pangulo sa mga magiging groom ni Ogie sa kasal nito kay Regine ngayong taon.