MANILA, Philippines - Ipapatawag ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang Metropolitan Manila Develoment Authority (MMDA), Maynilad, Manila Water at PLDT kaugnay sa ginagawa nilang pagbubungkal sa mga kalsada.
Sinabi ni DPWH Secretary Rogelio Singson na nagpatawag na siya ng pulong sa mga nasabing kumpanya upang sabihan sila tungkol sa mga proyekto ng kagawaran sa susunod na taon at mga aayusing kalye para mauna nang magbungkal ang mga ito bago pa galawin ng Kagawaran.
Hindi aniya biro ang mga bungkal na kalsada sa mga lugar sa Metro Manila na nagpapasikip ng daloy ng trapiko.
Paliwanag ng kalihim, karaniwan kasing nagiging mahinang klase at hindi na pulido ang pagkakalagay ng semento sa mga kalsada kapag binungkal na ito ng alinman sa mga nabanggit na kumpanya.
Inihayag ni Singson na ang nais mangyari ng DPWH, pinakahuli na silang mag-aayos ng mga kalye o drainage matapos itong galawin ng alinman sa mga nabanggit na kumpanya.