MANILA, Philippines - Kinasuhan ng katiwalian sa tanggapan ng Ombudsman ang mga tinaguriang Euro Generals ng Philippine National Police kabilang si dating PNP Chief Avelino Razon matapos ang dalawang taon ng kontrobersiyal na pagpunta ng mga ito sa Russia noong Oktubre 2008 para dumalo sa Interpol Conference doon.
Bukod kay Razon, ang mga Euro Generals na kinasuhan ay sina dating police Director Eliseo dela Paz, Supt. Samuel Rodriguez, Chief Supt. Orlando Pestaño, Senior Supt. Tomas Rentoy III, Supt. Elmer Pelobello, Deputy Director General Emmanuel Carta, Deputy Director Gen. Ismael Rafanan, at Directors Romeo Ricardo, German Doria, Silverio Alarcio Jr. atJaime Caringal.
Sa Moscow International Airport sa Russia, itinanggi noon ni de la Paz at kanyang asawa ang pagdadala ng 105,000 euros o P6.9 milyon na hindi naideklara ng mga ito.
Ang pagsasampa ng kaso ng Field Investigation Office (FIO) ng Ombudsman laban kay Razon at sa mga Euro Generals ay ginawa matapos makakita ng probable cause sa mga ito kaugnay ng paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Ayon kay Assistant Ombudsman Joselito Fangon batay sa kanilang imbestigasyon na ang 105,000 euros na nakumpiska mula kay dela Paz sa Moscow Airport ay hindi cash advance mula sa PNP gaya ng sinasabi ng mga akusado hinggil dito.
Sinasabing si Razon ang director ng PNP nang ang pondo para sa pagpunta ng mga generals sa Moscow ay naaprubahan pero naganap ang Mocow mess noong Oktubre 2008, isang buwan matapos na si Razon ay palitan sa puwesto ni Director General Jesus Verzosa.
Dumistansya naman si Verzosa sa usapin ng Euro generals. Ipinaliwanag ni Verzosa, may mga kani-kaniyang abugado na ang mga nasangkot kayat hindi na niya ito dapat panghimasukan pa.
Kabilang ang misis ng PNP Chief na si Cynthia Verzosa sa iniimbestigahan matapos na sumama ito sa trip sa Russia habang ‘di naman nakadalo ang kaniyang mister.