MANILA, Philippines - Umapela kahapon sa Supreme Court (SC) ang pamilya ng pinaslang na negosyante sa Maynila na obligahin si Judge Marcelino Sayo ng Manila Regional Trail Court branch 45 na mag-inhibit sa naturang kaso.
Sa liham na ipinadala sa SC, sinabi ni State prosecutor Hazel Decena-Valdez na nabahiran umano ng integridad ang hukuman makaraang i-dismiss ni Judge Sayo ang kasong pagpatay sa pangunahing suspek sa krimen na si Anita Buce.
Inutusan at binayaran umano ang tatlong suspek na sina Frederick Lelis, Raymond Mercado at George Duazo para patayin si Gil Manlapaz noong Disyembre 2008, bunsod umano ng away sa negosyo.
Sa follow-up operation na PNP-PACER ay ikinanta ni Duazo na si Buce ang umano’y nag-utos sa kanila para patayin si Manlapaz kapalit ng kabayaran na P15,000.
Dahil sa pagsisiwalat ni Duazo ay agad itong isinailalim sa witness protection program ng DOJ.
Ayon kay Mrs. Josephine Manlapaz, biyuda ng pinatay na negosyante, labis siyang nanlumo at nagtaka noong idismis ni Judge Sayo ang kasong murder laban kay Buce sa kabila ng iniharap nilang matitibay na ebidensiya, testimonya at pagharap sa hearing ni Duazo.