MANILA, Philippines - Ipinahayag ni World Health Organization (WHO) Director General Margaret Chan na tapos na ang AH1N1 pandemic sa buong mundo at wala na sa phase six ng pandemic ang mundo.
Lumilitaw na ang phase 6 ay ang pinakamataas na alert level ng influenza. Sa ngayon umano ay nasa post-pandemic phase na ang swine flu kung saan ang mga sintoma ng virus ay katulad na lamang ng ordinaryong influenza.
Subalit babala ng opisyal, dapat pa ring maging maingat ang mga bansa sa paglaganap ng virus dahil may posibilidad na ang vaccines at anti-viral drugs para sa AH1N1 ay hindi magiging epektibo kapag lumakas pa ang virus.
Simula sa outbreak ng virus noong Abril 2009, umaabot sa 18,449 ang naitalang namatay dahil sa AH1N1 subalit mas mataas umano ang totoong bilang.
Simula Enero, maraming bansa ang itinapon na lamang ang mga vaccines para sa AH1N1 dahil sa naparaming stocks.