MANILA, Philippines - Binigyan ng Korte Suprema ng sampung araw ang Malacañang para ipaliwanag ang Executive Order no. 2 matapos kwestyunin ang legalidad nito nina Subic Bay Metropolitan Authority (SBMZ) director Eddie Tamundong at Department of Justice (DOJ0 Assistant Secretary Jose Arturo de Castro na kapwa masisibak sa pwesto dahil sa nasabing kautusan ni Pangulong Noynoy Aquino.
Ayon kay Supreme Court (SC) spokesperson at court administrator Midas Marquez, hihintayin na muna ng SC ang ihahaing komento ng Malacañang bago pagpasyahan kung kailangang magpalabas ng TRO o ng status quo ante order, na pipigil sa implementasyon ng EO #2 na nag-aatas na sibakin sa pwesto ang lahat ng mga tinaguriang midnight appointments ni dating pangulong Gloria Arroyo.
Bukod dito, hinihiling rin ni de Castro na pawalang bisa ang EO 3, na bumabawi sa career service rank na ibinigay ng dating pangulo sa mga abogado ng gobyerno.
Tiwala naman ang Malacanang na papaboran ng Korte ang ipinalabas na EO no. 2 ni Pangulong Aquino.
Sinabi ni Communications Group Sec. Sonny Coloma, lahat ng legal na aspeto sa EO 2 ay masusing pinag-aralan ng legal team ni P-Noy bago ito inilabas. Handa rin ang Palasyo na sagutin ang anumang pagkuwestyon sa EO #2. (Gemma Garcia/Rudy Andal)