MANILA, Philippines - Apat hanggang limang pulitiko kabilang ang isang mag-asawa sa Sulu ang may malaking posibilidad na nasa likod ng pambobomba sa Zamboanga City International Airport noong Agosto 5.
“Meron ng report, I think four or five ( politicians ) were named, huwag na munang pangalanan, the police is doing its works, I guess there’s a clear picture kung ano talaga ang nangyari,” ani DILG Secretary Jesse Robredo sa ambush interview sa Camp Crame.
Noong Agosto 5 ng gabi ay niyanig ng malakas na pagsabog ang arrival area ng Zamboanga City airport na ikinasawi ng dalawang bomber na sina Reynaldo Apelado at Hatamil Haron Yacub habang kabilang sa mahigit 20 sugatan ay ang sinasabing target na si Sulu Governor Abdusakur Tan.
Samantala, natukoy na ng Task Force ZIA (Zamboanga City International Airport) na si Adong Salakudin, tubong Tungkil, Sulu ang tinutugis na Yellow Man na kabilang sa tatlo pang pinaghahanap na suspect. Ang dalawa ay sina Allan Sabbudin at alyas Tanda.
Sa report na tinanggap ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa, sa isinagawang background check ng Task Force ZIA kay Salakudin, isa ito sa mga pinagkakatiwalaang tauhan ng isang alkalde ng Sulu na ang Misis naman ay isa ring lokal na opisyal ng lalawigan.
Isa umano sa mga kapatid ng Misis ng nasabing alkalde ay nakapag-asawa ng isa sa mga kapamilya ni Temogen “Cocoy” Tulawie na kabilang umano sa mastermind sa pinakabagong tangka sa buhay ni Gov. Tan.
Noong Mayo 13, 2009 ay pinasabog ang convoy ni Tan habang paalis na sa Sulu Provincial Capitol na ikinasugat ng sampu katao kabilang ang gobernador.