Barko na may 16 tripulante nawala sa laot
MANILA, Philippines - Hindi pa rin natatagpuan ang nawawalang cargo sea vessel na SF Freighter 498 GT na may lulang 16 na tripulante, na nawalan ng radio contact kamakalawa ng hapon sa bahagi ng Dos Hermanas island, sakop ng Romblon.
Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) spokesman Lt. Armand Armand Balilo, pansamantalang itinigil ang isinasagawang search and rescue operations sa nasabing lugar dahil sa hindi nakayanang sama ng panahon at malalaking alon.
Patungo umanong Cebu ang nasabing barko nang masiraan ng makina dahil sa hagupit ng malalaking alon.
Tatlong barko na ang naghahanap sa nawawalang barko na hindi pa natagpuan kaya’t nagpalabas na rin kahapon ng ‘Notice to Mariners ‘ sa shipping at fishing communities upang tumulong sa paghahanap. Ang barko ay may habang 500 metro, may kumbinasyon ng asul at puti ang kulay nito at naka-embossed ang pangalang “SF Freighter” at may kargang steel bars na may 400 tonelada.
Nagdispatsa rin ang Philippine Coast Guard ng kanilang mga aircraft upang tumulong sa paghahanap sa nasabing barko na pag-aari ng isang Mr. Henden Chua ng Seaford Shipping.
“Ang report sa akin, talagang ga-higante ang alon, kaya hindi nila ma-sustain itong rescue efforts,” ayon kay PCG Commandant Admiral Wilfre Tamayo.
Aniya, bagama’t may nakataas na storm warning sa bansa dulot ng bagyong Ester, pinayagan umano ang paglayag ng barko dahil malayo naman ito sa sentro ng bagyo.
- Latest
- Trending