MANILA, Philippines - Sa pangambang malubog sa baha ang ilang bahagi ng Metro Manila at mga karatig na lalawigan bunsod ng mga paparating na bagyo, nanawagan kay Pangulong Noynoy Aquino ang mga residente ng 15 bayan sa Laguna na ipatupad na ang P18.7 bilyong Laguna Bay Rehabilitation Project.
Ito ay matapos kumpirmahin ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) na may malaking posibilidad na paulit-ulit na bahain ang mga bayan at siyudad na malapit sa lawa kung hindi ito palalalimin.
Base sa pag-aaral ng Baggenwerken Decloedt En Zoon (BDC), dalawang metro lamang ang average na lalim ng Laguna Bay mula noong 2008, kaya’t ang mga ferry at malalaking bangka ay hindi makuhang pumalaot.
Nauna na ring hiniling ni Sta. Cruz, Laguna Administrator Melvin Basa na simulan na ang dredging project upang maiwasan na bahain ang maraming karatig na bayan sa Laguna lake.
Suportado ng pondo mula sa official development assistance (ODA) ng pamahalaan ng Belgium at Fortis Bank, isang subsidiary ng BNP Paribas ng France at pabor din sa proyekto si Laguna Governor Jeorge “ER” Ejercito.
Bukod sa mga lokal na opisyal, ang kilalang urban planner na si Felino “Jun” Palafox ay nanawagan din para sa agarang pagpapalalim ng lawa at iginiit na ito ang pinakamalaking natural na imbakan ng tubig sa bansa.
Kung hindi mapapalalim ang lawa, lulumpuhin ng baha ang mga lalawigan ng Laguna at Rizal.