MANILA, Philippines - Ipinatigil ni Pangulong Benigno Aquino III ang isang proyekto ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) matapos matuklasan na overprice ito ng P30 milyon.
Sinabi ni Pangulong Aquino sa dialogue nito sa Malacanang Press Corps kahapon, natuklasan ni Agriculture Sec. Proceso Alcala at DOST Sec. Mario Montejo na overprice ng P30 milyon ang planong pagbili ng BFAR ng mass Spectrometer sa halagang P60 milyon.
Sinabi ni P-Noy, nakatakda na sana itong isalang sa bidding noong July 30 subalit isang concerned private citizen ang nagsumbong na overprice ang nasabing proyekto hanggang sa ipasiyasat niya ito.
Lumitaw sa pag-aaral nina Alcala at Montejo na ang tunay na halaga ng mass spectrometer ay P26 M-P30M.
Kaagad pinakansela ni Aquino ang nasabing proyekto ng BFAR at pag-aaralan kung kailangan ba talaga ito ng ahensiya.