MANILA, Philippines - Nangako na kahapon ang pamunuan ng Philippine Air Lines (PAL) na hindi na nila ililipat sa ibang airlines ang nalalabi pa nilang mga piloto at gagawa ng mga paraan para hindi na maulit ang pag-aalisan ng mga “airline workers”.
Sinabi kahapon ni DOTC Undersecretary Dante Velasco na nagkasundo na ang pamunuan ng PAL at kanilang mga piloto kung saan inaprubahan ang tatlong “commitment”.
Una dito ang pagsusumite ng PAL ng “revised flight” sa Civil Aviation Board para sa mga ruta ng kanilang paglipad na ilalathala sa mga pahayagan. Sinasabing mapapa-normal nito ang operasyon ng PAL at mababawasan ang bilang ng paglipad ng mga eroplano.
Nangako rin ang PAL na hindi na ililipat ang nalalabi nilang 320 airbus pilot sa “sister company” nila na Air Philippines.
Ipagpapatuloy din ng PAL ang pakikipagdayalogo sa mga piloto upang maiwasan na ang “exodus” o ang pag-aalisan ng mga airline workers patungo sa mga mas malalaki at dayuhang airlines na nagbibigay ng mas malalaking suweldo.
Luluwagan naman ng pamahalaan ang paggitna sa pagitan ng PAL management at mga manggagawa nito at hahayaan muna na maayos ang mga usapin sa sarili nila bilang isang corporate family.
Ngunit hindi umano bibitiw ang pamahalaan sa pagbabantay sa isyu at muling makikialam sa pamamagitan ng DOTC kung kinakailangan.