MANILA, Philippines - Nadiskubre ng bagong pamunuan ng Bureau of Customs (BOC) ang modus operandi ng pagpupuslit sa bansa ng bilyun-bilyong pisong halaga ng imported rice, nang hindi nagbabayad ng kahit pisong buwis.
Ayon kay Customs Commissioner Lito Alvarez, nagagawa ito ng mga rice smuggler sa pamamagitan ng pagdedeklara na munggo at hindi bigas ang kanilang kargamento.
Ipinaliwanag ni Alvarez na ang munggo ay zero rated sa customs duties at value added tax, habang ang bigas ay pinapatawan ng 50 percent na custom duties at 12 percent VAT.
Kaugnay nito, nagsampa ng kasong smuggling sa Department of Justice (DOJ) ang Customs laban sa mga may-ari ng kumpanyang Plum Blossom Import-Export Food Corporation at Full Story Source Marketing dahil sa pagpupuslit ng bigas gamit ang nabanggit na modus.
Kabilang sa mga kinasuhan sina David Manuel Ubarde, Enrico de Castro, Rex Butuan, Edwin Benito, Manolo Antonio Medel, at ang customs broker na si Allan Gahon.
Sinabi ni Alvarez na ang kaso ay para lamang sa apat na import entry declaration na nagkakahalaga ng 38 milyong piso kung saan ay nasa 10 milyong pisong buwis ang hindi binayaran.
“But this is just the proverbial tip of the iceberg, since records now in the hands of BOC lawyers show that between 2008 and 2009, Plum Blossom and Full Story cleared 102 entries involving at least 2,400 containers of mung beans,” wika pa ni Alvarez.