MANILA, Philippines – Binuweltahan kahapon ni dating PAGCOR chairman Ephraim Genuino ang mga kritiko nito na ginagamit umano sya at ang kanyang pamilya upang sirain ang ahensya at maigiit ang planong pagsasapribado nito.
Ayon kay Genuino malinaw na ang paninira sa kanya sa naging pamamahala sa PAGCOR ay upang bigyang katwiran ang pagsasapribado sa government-owned and – controlled corporation na syang nangangasiwa sa casinos.
Malinaw umano na walang basehan ang mga akusasyon laban sa kanya partikular ang paggamit ng pondo ng PAGCOR partikular sa pagbili ng sako sako ng bigas para sa kandidatura ng kanyang anak na si Erwin na una nang tumakbo noong nakaraang eleksyon sa mayoral race sa Makati.
Sinabi ni Genuino na ang bigas na ipinamahagi ng kanyang anak noong eleksyon ay nagmula sa isang Japanese philanthropist na kaibigan ng kanilang pamilya at umaabot umano sa 10,000 sako ng bigas ang ibinigay nito.
Hinamon naman ni Genuino ang mga kritiko nito na isiwalat kung may mga anomalya sa PAGCOR, aniya, sa bawat bidding na isinasagawa sa ahensya ay mayroong mga pribadong tao na kinukuha para magsilbing testigo, isa na umano dito si Lauro Vizconde.