MANILA, Philippines – Nananatiling nasa ‘floating status’ ang may 50 ahente at special investigators na kinabibilangan ng ranking officials ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos lusawin ang anim na dibisyong itinuturing na overlapping at redundancy of functions.
Gayunman, tiniyak naman ni NBI spokesperson Special Investigator IV Cecilio Zamora, na sinimulan nang pag-usa pan upang maresolba ang pagpu-pwesto sa mga ito sa ibang dibisyon.
“Deliberations are on-going. It will not take long and this matter will be addressed,” ani Zamora.
Kabilang sa binuwag na unit ang Background Intelligence Division (BID), Field Operations Division (FOD), Intelligence Special Operations 0Division (ISOD), Anti-Kidnapping, Hi jacking, Armed Robbery Division (AKHARD), Special Action Unit, at ang Special Task Force.
Bagamat inilipat na ang functions ng mga nabuwag na dibisyon, hindi umano nangangahulugang ang personnel ay maililipat din kung saan nalipat ang functions ng kanilang dating opisina.
Ani Zamora, ngayong linggong ito o sa susunod na linggo ay maglalabas muli ng administrative order si NBI Director Magtanggol Gatdula para sa nasabing reorganisasyon.
Inatasan naman ang lahat ng hepe ng nabuwag na unit na imbentaryuhin ang mga nakabinbing kaso, equipment at iba pang accountabilities ng kanilang tanggapan para sa turn-over sa Office of the Deputy Director for Intelligence Services (ODDIS).
Ang Complaints and Records Division (CRD) ay inilipat mula sa Special Investigation Service patungo sa Administrative Service.
Bukod umano sa bagong itatatag na Death Investigation Division na tututok sa mga kaso ng media at political killings, pinag-isipan na rin ni Gatdula ang pagbuo ng Environmental and Wildlife Protection.