Kanselasyon ng passport ni Ping sinimulan na
MANILA, Philippines – Sinimulan na ng Department of Justice (DOJ) ang pagproseso sa pagkansela sa pasaporte ni Sen. Panfilo Lacson upang mapilitan itong lumutang at harapin ang Dacer-Corbito double murder case.
Ayon kay Justice Secretary Leila de Lima na inaayos na ni Senior State Prosecutor Peter Ong ang mga dokumento tungkol kay Sen. Lacson at kaagad itong isusumite sa Department of Foreign Affairs (DFA) upang tuluyan nang makansela ang pasaporte ng mambabatas.
Nilinaw ng DOJ chief na kapag nakansela na ang pasaporte ni Lacson ay maituturing na itong illegal alien kung saan mang bansa ito nagtatago at posibleng mahuli at mapa-deport sa Pilipinas.
Nabatid na nanatili pa rin ang pangalan ni Lacson sa listahan ng red notice ng Interpol.
Ang kautusan ng DoJ na kanselahin na ang pasaporte ni Lacson ay resulta ng naging pakikipagkoordinasyon ng ahensya sa DFA matapos na rin ibigay ng korte sa pamahalaan ang desisyon sa pagkansela ng pasaporte ng senador.
Kaagad namang nakipag-ugnayan ang DoJ sa DFA kung saan sinabing may batayan ang pagpapakansela ng pasaporte batay na rin sa naging desisyon ng korte at batay sa naging kahilingan ng pamilya Dacer.
Samantala, naniniwala naman si Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni dating Supt. Cesar Mancao, na mapipilitang lumutang si Lacson sa sandaling kanselahin ang pasaporte nito. (Gemma Garcia/Doris Franche)
- Latest
- Trending