Bata bawal nang iangkas sa motorsiklo
MANILA, Philippines – Hiniling kahapon ni Sen. Ramon Revilla Jr. sa Senado na ipagbawal na ang pag-aangkas ng batang pitong taong gulang pababa sa mga motorsiklo.
Sa Senate Bill No. 21 na inihain ni Sen. Revilla, sinabi nito na habang dumarami ang bilang ng mga motorsiklo sa lansangan, kapuna-puna rin ang pagdami ng mga magulang na nag-aangkas sa kanilang mga anak kahit wala pa itong pitong taong gulang.
Sa panukala ni Revilla, papatawan ng hindi bababa sa P3,000 ang mga mahuhuling mag-aangkas ng mga bata sa unang paglabag; P5,000 sa ika lawang paglabag at P10,000 sa ikatlong paglabag.
Kaugnay nito, sinabi ni Revilla na hindi na kailangang amiyendahan ang kakapasa pa lamang na Mandatory Helmet Law para isulong ang pangangalaga sa mga bata dahil maaari magpasa ng partikular na batas na magbabawal sa pag-aangkas ng mga bata.
- Latest
- Trending