You're fired!
MANILA, Philippines – Ipinag-utos kahapon ni Pangulong Benigno Aquino III ang pagsibak sa mga tinatawag na ‘midnight appointees’ sa pamamagitan ng ipinalabas nitong Executive Order No. 2.
Sinabi nina Presidential Spokesman Edwin Lacierda at Presidential Legal Counsel Ed de Mesa sa media briefing kahapon, nakapaloob sa EO No. 2 ang pagbawi at pagpapawalang-bisa sa lahat ng ‘midnight appointments’ na ipinalabas ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na lumabag sa Constitutional ban.
Ayon kay Sec. de Mesa, malinaw na ipinagbabawal ang mga appointments sa gobyerno 45 araw bago ang eleksyon na nakapaloob sa Omnibus Election Code kaya pinawawalang-bisa ni P-Noy ang mga tinatawag na ‘midnight appointments’.
Sinabi ni de Mesa, ang mga sakop ng EO #2 ay ang mga appointments na ginawa ni Mrs. Arroyo mula Marso 11 at mga appointees na nanumpa sa kanilang bagong posisyon pagkatapos ng Marso 11 na sakop ng Constitutional ban on appointments.
Ipinaliwanag pa ng chief presidential legal counsel, aabot sa 997 ang ginawang appointments ni Mrs. Arroyo ang aalamin kung ano dito ang mga lumabag sa batas.
Aniya, inatasan din ni P-Noy si Executive Secretary Paquito Ochoa na magtalaga ng officer-in-charge bilang kapalit ng mga sisibaking midnight appointees sa gobyerno gayundin sa mga Government Owned and Controlled Corporations (GOCC’s).
Idinagdag pa ni de Mesa, maging ang mga appointments na ginawa sa judiciary ay sisilipin din kung ito ay nakapaloob sa itinuturing na ‘midnight appointments’.
Samantala, iginiit din ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda na hindi kasama sa EO number 2 ang pagtatalaga kay Chief Justice Renato Corona dahil ang pinagtibay ng Korte Suprema ang legalidad ng pagtatalaga ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kay Chief Justice Corona kahit na ito ay naganap sakop ng constitutional ban on appointments.
Wika pa ni Sec. Lacierda, ng magdesisyon ang Korte Suprema hinggil sa legalidad ng appointment ni CJ Corona ay iginagalang ito ni Pangulong Benigno Aquino III.
- Latest
- Trending