Legacy owner inaresto sa ospital
MANILA, Philippines - Hawak na ng Quezon City Police (QCPD) si Legacy owner Celso delos Angeles matapos na ito ay arestuhin sa St. Lukes hospital kahapon dahil sa kasong syndicated estafa.
Nakakabit pa sa katawan ni delos Angeles ang mga paraphernalia na ginamit sa ospital at naka-pajama pa ng dalhin siya ng mga operatiba ng Warrant Section sa QCPD Camp Karingal para ikulong.
Si delos Angeles Jr., 57, ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni presiding Judge Clinton C. Nuevo ng Regional Trial Court Branch 12 sa Ormoc City na may petsang June 28, 2010.
Pasado ala-una ng hapon nang kunin ng mga operatiba ng Warrant section si delos Angeles sa kanyang kuwarto sa room 1703 Cathedral Heights Complex ng St. Lukes na matatagpuan sa E. Rodriguez Sr., Ave. sa lungsod saka dinala sa nasabing himpilan.
Sa presinto, kahit hirap sa pagsasalita sa sakit niyang cancer of the throat, ikinatwiran ni delos Angeles na nilabag ng mga operatiba ang batas dahil may mga kautusan umano siya buhat sa korte na kailangan siyang i-house arrest.
Si delos Angeles, dating alkalde ng Sto. Domingo, Albay at founder ng Legacy Group of Companies ay nasangkot sa kasong syndicated estafa kabilang ang 12 opisyales nito dahil sa pagkamkam sa salapi ng mga investors nito na aabot sa P830 million.
Ang Legacy ay may mahigit sa 50,000 plan holders ay tuluyan nang pinasara ng korte dahil sa nasabing anomalya.
- Latest
- Trending