MANILA, Philippines - Tiniyak ni House Speaker Feliciano “Sonny” Belmonte na ihahabol nila sa Kamara ang pagpasa sa panukalang batas na ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections na nakatakda sanang idaos sa Oktubre 25.
Nauna rito, sinabi ni Belmonte na kabilang ang panukalang ito sa magiging prayoridad ng Kamara dahil sa gagastos na naman ang gobyerno ng P3 bilyon.
Sa pamamagitan aniya nito ay makakatipid umano ang pamahalaan sa gastusin lalo na at katatapos lamang ng halalan nitong nakalipas na buwan ng Mayo.
Sakaling matuloy ito ay nangangahulugan na ma-e-extend din ang termino ng mga barangay chairman sa 42,000 mga barangay sa bansa.
Sinabi naman ni Communications Group Sec. Sonny Coloma, bukas ang Palasyo para sa mas malawak na konsultasyon sa nasabing usapin ng pagpapaliban sa eleksyon ng barangay at SK.
Wika ni Sec. Coloma, nakahanda si Pangulong Aquino na makipag-usap sa mga mambabatas para sa konsultasyon hinggl dito.
Sa kabila nito, sinabi ni Comelec spokesman James Jimenez, hihintayin na lamang nila na maipasa ang nasabing batas ngunit hangga’t wala ito ay tuloy ang kanilang paghahanda.
Kasabay nito ay muling pinaalalahan ng Comelec ang mga hindi pa rehistrado at bagong botante na magparehistro.
Ang petsa para sa pagpaparehistro sa barangay polls ay mula Agosto 4-13 habang sa SK election naman ay mula Agosto 6-15.