Deployment ban sa Iraq mananatili
MANILA, Philippines - Mananatili pa rin ang ipinatutupad na ban ng pamahalaan sa pagpapadala ng mga overseas Filipino workers sa Iraq.
Ayon kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Rosalinda Baldoz, hindi aalisin ang deployment ban sa Iraq hanggang hindi natitiyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ligtas na para sa mga manggagawang Pinoy ang pagtatrabaho doon.
Una nang nagpatupad ng deployment ban ang pamahalaan sa nasabing bansa noong 2004 matapos ang pagdukot sa truck driver na si Angelo dela Cruz sa Baghdad.
Sa kabila naman nito, umaabot sa 15,000 manggagawang Pinoy umano ang nakakapuslit pa rin upang magtrabaho sa mga American companies at US military camps sa Iraq, sa pamamagitan nang pagdaan sa ibang lugar at hindi mula sa Pilipinas.
Hihintayin na lamang umano ng DOLE ang resulta ng ginagawang assessment ni Special Envoy Roy Cimatu, na inaasahang tutukoy sa mga lugar na ligtas o mapanganib para sa mga Pinoy.
Posible umanong bago ang Agosto 9 ay mailabas na ang report, dahil ito ang deadline para sa pag-aalis ng mga irregular Pinoy migrants sa nasabing bansa.
- Latest
- Trending