Photo mosaic ni Cory pang-Guinness
MANILA, Philippines - Inilatag na kahapon sa Quirino Grandstand sa Luneta ang higanteng photo mosaic ni dating Pangulong Corazon “Cory” Aquino na sinasabing pang-Guinness Book of World Records bilang pinakamalaking photo mosaic sa buong mundo.
Si Pangulong Noynoy Aquino ang nanguna sa okasyon na itinaon sa bisperas ng unang death anniversary ng kaniyang ina ngayong Agosto 1.
Ang photo mosaic kung saan makikita ang mukha ng dating Pangulo ay binubuo ng kaniyang mga litrato habang nanunungkulan pang pangulo ng bansa.
Sa tulong ng mga estudyante mula sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) at iba pang sector, ipinakita sa publiko ang giant mosaic na ginawa mula sa 30,000 larawan ng dating Pangulo na bigay ng kanyang mga kaibigan at taga-suporta.
Ang mosaic na may sukat na 250 by 250 feet ay inilagay sa isang tarpaulin. Mananatili ito sa elevated ground ng Quirino Grandstand sa loob ng isang linggo bilang bahagi ng paggunita sa pagkamatay ni Tita Cory.
Umabot umano sa P2 milyon ang halaga ng photo mosaic na ginawa ni STAR photo journalist Revoli Cortez at inisponsoran ng mga pribadong indibiduwal.
Sinabi ni Pangulong Aquino na sumisimbolo ang photo mosaic ng kaniyang ina sa pag-asa.
“All through her life, she demonstrated love not only for her family, but also for every single Filipino,” sabi ni Aquino.
Samantala, isang misa ang idaraos ngayon sa St. Benilde gymnasium sa La Salle Greenhills, San Juan na dadaluhan ng magkakapatid na Aquino at pangungunahan ni Bishop Socrates Villegas.
Ang pagkamatay ng dating pangulo na tinatawag na “icon of democracy” ang naging mitsa upang hikayatin ng marami na tumakbong pangulo ng bansa si Pangulong Noynoy.
Namatay ang dating pangulo matapos ang halos ilang buwang pakikipaglaban sa sakit na colon cancer.
Pagkatapos ng programa at misa sa Greenhills, ang buong pamilya ay inaasahang magtutungo sa libingan nina Cory at ni dating Senator Benigno “Ninoy” Aquino Jr., sa Manila Memorial Park.
Noong nakaraang Biyernes ay nagtanim ng mga punongkahoy na namumulaklak ng kulay dilaw ang kapatid ni Pangulong Noynoy na si Pinkly Abellada sa harap ng tahanan ng mga Aquino sa Times Street sa Quezon City na dinaluhan ng kanilang mga supporters.
Ang dilaw ang kulay na sumisimbolo kay dating Pangulong Cory at naging political color din ni Pangulong Noynoy nang tumakbo sa pagka-pangulo.
- Latest
- Trending