MANILA, Philippines - Anim na tipster ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pinagkalooban kahapon ng pabuya dahil sa pakikiisa nila sa ahensiya para mabuwag ang ilang malalaking sindikato ng droga sa bansa.
Ayon kay PDEA Senior Undersecretary Dionisio Santiago, ang pagbibigay pabuya sa mga impormante ay bahagi ng ika-8 anibersaryo ng pagkakatatag ng ahensya kung saan pinaparangalan ang lahat ng mga kawani o sibilyan na may malaking ambag para mabuwag ang ilang big-time drug syndicate sa bansa.
Kabilang sa mga nabigyang tipster ay kinilala sa mga alyas na Albert Tan, Kumander Kidlat, Rex, Balpet, Taba, at Emerald na nakapag-ambag ng malaking operasyon sa PDEA na nagresulta sa pagkakalansag ng malaking laboratoryo ng shabu at ilang sindikato nito.
Umaabot sa P1 milyon ang pinakamalaking halaga na natanggap ng tipster na si alyas Albert Tan na nakapagbigay ng impormasyon hinggil sa laboratoryo ng shabu sa may Bagumbayan, Taguig City.