MANILA, Philippines - Ngayong bago na ang administrasyon, handa ng lumutang ang mga Marine officers para ibulgar ang kanilang nalalaman sa Hello Garci scandal o ang malawakang dayaan noong 2004 national elections na nagluklok umano kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa kapangyarihan.
Sinabi ni Marine Commandant Major General Juancho Sabban, walang takot na ibubulgar sa bubuuing Truth Commission ni Pangulong Benigno Aquino III upang imbestigahan ang umano’y sabwatan ng mga opisyal ng AFP at ng Comelec upang imaniobra ang resulta ng halalan noong 2004.
Nanahimik noon ang nasabing mga Marine officers dahil pinarurusahan umano ang mga nagsasabi ng katotohanan.
Ayon kay Sabban, maraming isisiwalat ang mga opisyal ng Philippine Marines pero hindi muna niya ito idedetalye dahil ayaw nitong maunahan ang imbestigasyon ng Truth Commission.
Kabilang sa mga opisyal na may direktang nalalaman sa umano’y dayaan si dating Marine ret. Brig. Gen. Francisco Gudani, dating commander ng Task Force Ranao, at ang dati nitong batallion commander at ngayo’y Marine Chief of Staff Co. Alexander Balutan.
Si Gudani ay sinibak sa puwesto dahil pabor umano ito sa kandidatura ng namayapang si action king Fernando Poe Jr.
Isa pa ang ngayo’y si AFP-National Capital Region Command Rear Admiral Feliciano Angue sa umano’y tinangkang suhulan ng P3 M upang tumulong at huwag makialam sa pandaraya noong ito pa ang commander ng Task Force Tawi-Tawi.
Ilan naman sa mga heneral na inaakusahang nakipagsabwatan kay dating Comelec Commissioner Virgilio Garcillano upang ipanalo umano si Mrs. Arroyo ay sina dating AFP Chief of Staff ret. Gen. Hermogenes Esperon Jr., dating AFP Southcom Chief ret. Lt. Gen. Gabriel Habacon at dating 1st Infantry Division (ID) ret. Brig. Gen. Eugenio Cedo.