MANILA, Philippines - Pinade-delay ng National Food Authority (NFA) sa Vietnam ang pagdeliver ng mga inangkat na bigas ng bansa dito dulot ng pagbaha ng suplay ng bigas sa mga warehouse nito sa bansa.
Ayon kay NFA Administrator Lito Banayo, kinausap na niya ang kanyang counterpart sa Vietnam at hiniling sa Vietnam Southern Foods na kung maaari ay sa ibang buwan na lamang ihatid ang natitirang kalakal na dadalhin sa Pilipinas dahil sobra-sobra ang inangkat na bigas ng nakaraang administrasyon.
Sinabi ni Banayo na wala nang magagawa ang NFA para kontrahin ang nagdaang mga kontratang pinasok ng nagdaang gobyerno kaya tuloy tuloy ang delivery ng mga na-angkat na bigas ng Pilipinas sa naturang bansa.
Anya, aabutin pa sa isang milyong sakong imported na bigas ang inaasahang darating sa bansa.
Nilinaw din ni Banayo na kahit madaming suplay ng bigas sa bansa ay hindi agad maibaba ang halaga ng NFA rice na nagkakahalaga ng P18.00 dahilan sa kailangan pa itong idaan sa masusing pagaaral ng ahensiya.