MANILA, Philippines - Malabo pang makalaya si Senador Antonio Trillanes IV na nahaharap sa kasong kudeta kaugnay ng pananakop sa Oakwood Premiere Hotel noong Hulyo 27, 2003 sa bigong pagtatangka na ibagsak ang administrasyon ni dating Pangulong Arroyo.
Ito ang ipinahiwatig ni AFP Spokesman Brig. Gen. Jose Mabanta kasunod ng pagpapalaya kahapon kay Marine Col. Ariel Querubin sa detention cell nito sa Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP).
“He (Trillanes) has a separate case (coup de etat) in a civilian court. Trillanes cannot be given liberty yet, he has several cases,” ani Mabanta kaugnay ng mga kasong kinakaharap ni Trillanes sa Makati City Regional Trial Court at maging sa Special General Court Martial ng AFP.
Ipinunto ni Mabanta na ‘non bailable’ ang kasong kinakaharap ni Trillanes sa Makati RTC at mas mabigat ang pagkakasalang nagawa nito na isang kasong kriminal.
“It’s the gravity of his offense,” ani Mabanta kung saan patuloy pang sumasailalim sa magkahiwalay na paglilitis ng Makati court si Trillanes at ng SGCM.
Isa si Trillanes sa mga hardcore na lider ng Magdalo Group na nanguna sa may 300 opisyal at enlisted personnel ng AFP sa pagsakop sa Oakwood Premiere Hotel sa Makati City.
Nasangkot rin si Trillanes at iba pang opisyal ng Magdalo sa Manila Peninsula siege sa Makati City noong Nob. 23, 2007.