Col. Querubin pinalaya na
MANILA, Philippines - Matapos ang mahigit 4 na taong pagkakakulong, pansamantalang pinalaya na kahapon mula sa kaniyang kulungan sa Camp Aguinaldo si Marine Col. Ariel Querubin na isinasangkot sa bigong kudeta noong Pebrero 2006.
Pasado alas-12:11 ng tanghali ng pakawalan sa kaniyang detention cell sa Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) si Querubin na sinundo ng kaniyang pamilya sa pangunguna ng misis nitong si Maria Flor Querubin.
Ayon kay AFP Spokesman Brig. Gen. Jose Mabanta, si Querubin, isang Medal of Valor Awardee ay pinalaya matapos aprubahan kamakalawa ng gabi ni AFP Chief of Staff Gen. Ricardo David ang ‘provisional freedom’ nito.
Si Querubin ay kabilang sa mga opisyal na inakusahang nagplano ng bigong kudeta upang ibagsak ang administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo noong Pebrero 26, 2006 na pinangungunahan nina dating First Scout Ranger Regiment (FSSR) Chief Brig. Gen. Danilo Lim at dating Marine Commandant Renato Miranda.
Habang sumasailalim sa paglilitis ng Special General Court Martial (SGCM) si Querubin ay isasailalim ito sa kustodya ni Brig. Gen. Reynaldo Ordonez, hepe ng Office of Defense Reforms ng AFP.
“Brig. Gen. Ordonez will have the responsibility of keeping and having Col. Querubin in custody for future appearances in any of the hearings and proceedings before the corresponding SPGCM or as these courts may require,“ anang Chief of Staff.
Nauna ng pinagkalooban ng pansamantalang kalayaan sina Lim at Miranda habang inaasahan namang susunod na ang iba pang mga opisyal na isinasabit sa bigong 2006 coup plot.
Si Querubin ay ipinalalagay na nagretiro na sa serbisyo matapos itong tumakbo sa posisyon ng Senador nitong May 2010 national elections pero natalo.
Sa panig ni Querubin sinabi nito na hihintayin niya muna ang hatol sa kaniyang kaso ng SGCM. Pinasalamatan rin nito ang liderato ng AFP sa nakamit na pansamantalang kalayaan.
- Latest
- Trending