Enrile nanatiling Senate President

MANILA, Philippines - Nanatiling lider ng Senado si Senate President Juan Ponce Enrile matapos muling iluklok ito kahapon ng umaga at iboto ng 17 senador sa pagbubukas ng sesyon ng 15th Congress.

Si Senator Loren Legarda ang nag-nominate kay Sen. Enrile habang ininomina naman ni Sen. Joker Arroyo bilang kalaban ni Enrile si Sen. Alan Peter Cayetano, ang pinakabatang miyembro ng Senado  na nakakuha ng 3 boto.

Napili naman bilang majority floor leader at chairman ng senate committee on rules si Sen. Vicente “Tito” Sotto III, samantalang si Sen. Jinggoy Estrada  ay nananatili bilang  Senate Pro Tempore.

Ayon kay Sen. Arroyo, ginawa niya ang pagnomina kay Cayetano dahil kinakailangang magkaroon ng minority leader.

Dumalo sa pagbubukas ng sesyon ng Senado sina Vice President Jejomar Binay at dating Pangulong  Joseph Estrada, dating senator Ernesto Maceda, at dating unang ginang Loi Ejercito Estrada.

Show comments