MANILA, Philippines - Siniguro kahapon ni Pangulong Benigno Aquino III na sa kanyang panunungkulan ay walang mangyayaring tongpats, walang kota-kota at ang pondo ng gobyerno ay gagastusin lamang para sa taumbayan.
Sinabi ni Pangulong Aquino sa kanyang mahigit 40-minutong kauna-unahang State of the Nation Address (SONA), hindi niya papayagan na ulitin ang mga maling paggastos at mga maanomalyang transaksyon tulad ng naganap sa nakaraang administrasyon.
Ayon kay P-Noy, ang mga proyektong walang-saysay, hindi pinag-aralan at hindi pinaghandaan ay parang kabuteng sumulpot sa nakaraang administrasyon na siyang lubhang nagpahirap sa mga mamamayan.
Inilahad ni Pangulong Noynoy sa kanyang SONA na sa loob lamang ng tatlong linggo nilang panunungkulan ay marami silang natuklasan kabilang ang mga maanomalyang proyekto at walang habas na paglustay ng pondo ng bayan na hindi napunta sa mga mamamayan kundi sa bulsa ng mga nananamantala.
Limang araw bago bumaba si GMA sa poder ay nag-utos pa ito ng pagpapalabas ng P3.5 bilyon para sa rehabilitation ng mga nasalanta ng bagong Ondoy at Pepeng.
Aniya, 86 na proyekto ang paglalaanan dapat ng nasabing pondo na hindi dumaan sa public bidding kung saan ay 19 dito ay nagkakahalaga ng P981 milyon na muntik makalusot subalit naharang ni DPWH Sec. Rogelio Singson.
Natuklasan na kahit walang Special Allotment Release Order (SARO) ay pirmado na ang kontrata.
“Ngayon ay dadaan na po ang kabuuang P3.5 bilyon sa tapat na bidding at magagamit na ang pondo na ito sa pagbibigay ng lingap sa mga nawalan ng tahanan dahil kina Ondoy at Pepeng,” wika pa ni Noynoy.
Ibinunyag din ng Pangulo ang natuklasan na kagulat-gulat na pagkaubos ng P1.54 trilyong pondo para sa taong 2010 pati ang pagkaubos na rin ng P2 bilyong calamity fund.
Sinabi ni P-Noy na mula sa nasabing calamity fund ay P108 milyon ang inilaan para sa Pampanga at P105 dito ay napunta lamang sa isang distrito ng Pampanga sa panahon ng eleksyon habang ang sinalanta ng bagyo na Pangasinan ay nakatanggap lamang ng P5 milyon.
Hiniling naman ni Aquino sa mga miyembro ng board of trustees ng MWSS na magbitiw na lamang sila sa kanilang tungkulin kung may natitira pa silang kahihiyan matapos matuklasan na sobra-sobra ang natatanggap nitong benepisyo.
Siniguro kahapon ni Aquino na pangungunahan ng Truth Commission ang pagsisiyasat sa mga anomalyang natuklasan sa nakaraang administrasyon.
Aniya, lalagdaan niya ngayong linggo ang executive order na bubuo sa Truth Commission na pamumunuan ni dating Chief Justice Hilario Davide.
Ayon kay P-Noy, hindi niya papayagan ang paglulustay ng pondo ng pamahalaan tulad ng nakaraang administrasyon.
Ipatitigil din niya ang pagpapatupad ng mga maling proyekto na bunga ng mga ‘midnight deal’ ng nakaraang administrasyon.
Bukod dito, ibinunyag din ni Aquino ang ginawang pamimilit ng nakaraang administrasyon noong 2004 para magbenta ng kuryente ng palugi ang National Power Corporation (Napocor) na nagresulta sa pagkalugi nito.
Wika pa ni P-Noy, umabot sa P200 bilyon ang naging utang ng Napocor at ito ay pasan-pasan pa rin ng mamamayan ngayon.
Inilantad din ni Aquino ang ginawang sobra-sobrang rice importation ng nakaraang administrasyon kung saan ay nabaon sa P176.1 bilyong utang ang National Food Authority (NFA) gayung nabulok lamang ang mga inangkat na bigas na ito sa mga bodega.
Siniguro ng Pangulo na mananagot ang mga corrupt sa gobyerno gayundin ang mga mamamatay tao lalo na ang mga sangkot sa extra judicial killings.
Ipinagmalaki ni Noynoy na sa loob lamang ng ilang araw niyang panunungkulan ay 50 percent ng naganap na extra judicial killings sa kanyang administrasyon ay halos nalutas na at sinisiguro niyang mabibigyan ng hustisya ang lahat ng biktima nito.
Iminungkahi din ni Noynoy sa Kongreso na amyendahan ang Procurement Law gayundin ang National Defense Act.
Nais din niyang palakasin ang Witness Protection Program ng gobyerno kaya nais niyang maisulong sa Kongreso ang pagpasa sa Whistle Blower bill.
Aniya, nais din niyang isulong ang Public-Private Partnerships sa pagpapatupad ng mga proyekto tulad ng expressways mula Maynila hanggang Cagayan Valley na hindi gagastos ang gobyerno gayundin ang modernisasyon ng military particular ang pagbabantay sa 36,000 nautical miles ng ating bansa habang 32 lamang ang mga barko na panahon pa ni Gen. Douglas McArthur.
Sinabi pa ni Aquino, may nagmungkahi na uupahan ang Navy Headquarters sa Roxas Boulevard at Naval Station sa Fort Bonifacio at gagastusan nila ang paglilipat ng Navy HQ sa Camp Aguinaldo kapalit ng $100 milyon na magagamit natin sa modernisasyon ng military.
“Makukuha natin ang kailangan natin, hindi tayo gagastos, kikita pa tayo,” paliwanag pa ng chief executive.
Sa panig naman ng peace process, bukas ang gobyernong Aquino sa muling pakikipag-usap sa hanay ng Communist Party of the Philippines-New Peoples Army gayundin sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) upang makamit na ang tunay na kapayapaan.
Aniya, may ilang grupo na nagnanais na hindi siya magtagumpay subalit dahil kasangga ng taumbayan ang Diyos ay nasisiguro niyang mananaig ang kagustuhan ng mamamayan tungo sa daang matuwid at hindi papayagan na muling makabalik ang mga nais muling pagsamantalahan ang gobyerno para sa kanilang pangsariling interes.
Tumagal ng mahigit 40 minuto ang SONA ni Pangulong Aquino na halos nasa wikang Filipino.