MANILA, Philippines - Naapektuhan na rin ang suplay ng diesel ng Pilipinas Shell Petroleum Corporation makaraang pansamantalang isara na ng First Philippine Industrial Corporation (FPIC) ang kanilang Batangas-Manila pipeline.
Kinumpirma ni Department of Energy (DOE) Director Zenaida Monsada na pansamantalang naubos ang suplay ng diesel ng Shell dahil sa pagsasara ng pipeline na nagsu-suplay nito sa Pandacan oil depot ngunit may dumating na umanong barge para sa panibagong suplay.
Sa kabila nito, limitado pa rin ang suplay ng diesel ng Shell dahil kailangang manu-manong ideliber ng mga tankers ang diesel sa Pandacan oil depot kaya hinihiling ng DOE sa MMDA na palawigin ang truck ban.
Samantala, idineklara na ring “danger zone” ang nakapaligid na bisinidad sa West Tower Condominium sa Osmena Highway, Brgy. Bangkal, Makati City makaraang matuklasan na kalat na rin ang “gas leak”.
Natuklasan ng mga otoridad na may halo na ring dilaw na kemikal ang tubig buhat sa isang balon hindi kalayuan sa gusali. Kumuha na rin ng sampol ng naturang likido ang DOE upang mabatid kung anong klaseng kemikal ito.
Inumpisahan na rin ng Bureau of Fire Protection (BFP) at mga tauhan ng Makati city hall ang paghuhukay sa kalsada buhat sa condominium building hanggang sa Bonifacio at P. Garcia Ave. upang makatiyak kung sa pipeline nga ng FPIC nanggaling ang gas leak. Bukod sa pipeline, posible rin umano na buhat ito sa isang dating gasolinahan sa lugar at mga kalapit na gas station.