MANILA, Philippines - Inatras na ng transport group na 1-United Transport Koalisyon (1-UTAK) ang nominasyon ni dating Energy Secretary Angelo Reyes bilang unang nominado ng naturang party-list group sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Sa tatlong pahinang urgent petition and manifestation ng 1-UTAK na inihain sa pamamagitan ng abogado nitong si Atty. Donald Diaz, ipinabatid ng grupo sa Comelec na iwini-withdraw na nila ang nominasyon ni Reyes, alinsunod sa ipinalabas nilang Resolution No. 2010-12.
Nakasaad sa resolusyon na dapat nang mapunuan ang puwesto ng 1-UTAK sa Kongreso bago ito mag-convene sa Hulyo 26, 2010 upang hindi madismaya ang mga taong sumuporta sa kanilang grupo noong May 10 polls.
Ipinaalam naman na umano ng partido kay Reyes ang kanilang hakbang at pumayag naman umano ito kaagad.
Nauna rito, sinabi ng Comelec na kahit na ibinasura na ng Comelec Second Division ang disqualification case na kinakaharap ni Reyes, ay hindi pa rin ito maaaring makaupo sa puwesto dahil may nakabinbin pang apela ang kaso nito.
Ang ikatlong nominado ng grupo na si Engineer Homero A. Mercado ang papalit kay Reyes matapos na magbitiw at tumanggi na sa kaniyang nominasyon ang second nominee ng grupo na si Atty.Vigor Mendoza II.
Samantala, sinabi ni Comelec Commissioner Gregorio Larrazabal na imposibleng makaupo agad sa Lunes si Mercado, kasabay ng SONA ni Pangulong Noynoy.
Anya, hindi pa nila madidinig ang apela dahil ang susunod na en banc session ng poll body ay sa Martes (Hulyo 27) pa isasagawa.
Maaari pa rin namang dumalo sa SONA si Mercado ngunit hindi bilang isang kinatawan ng 1-UTAK, kundi bilang bisita lamang.