P1.3-trilyong pondo ng gobyerno ubos na!

MANILA, Philippines - Nasimot na ang pondo ng gobyerno at halos P100 bilyon na lamang ang natitira mula sa P1.3 trilyong budget.

Sinabi ni Pangulong Aquino sa kanyang mensahe sa turn-over cere­mony ng Philippine Army (PA) leadership kahapon, nasa kalagitnaan pa lamang tayo ng taon subalit ubos na agad ang pondo ng gobyerno na ginastos ng nakaraang administrasyon.

Bunsod nito, inatasan niya si Budget Sec. Florencio Abad na muling alamin ang eksaktong nalalabi na lamang na budget para sa 2010.

Ibinunyag din ni P-Noy na 70 percent ng calamity fund ay nagastos na rin ng nakaraang administrasyon.

Ayon kay Aquino, may inaasahan pa tayong mga bagyo na papasok sa bansa kaya kailangan ang pondo para sa kalamidad subalit naubos na din ito halos ng nakaraang administrasyon.

“Halos nilimas na po ang pondong dapat magagamit sana natin sa darating na mga buwan. Hindi pa po nangangalahati ang mga bagyong inaasahan natin na dara­ting sa taon, ngunit kung tatawagin kayo upang manguna sa mga search and rescue efforts, puso at tapang ang magiging pangunahin ninyong kasangkapan, dahil na rin sa kakapusan sa pondo at kagamitan,” pahayag ni Aquino.

Aniya, posibleng gamitin na lamang ng gobyerno ang P1.5 bilyong savings mula sa Kilos Asenso program noong 2004 sakaling kailanganin ang dagdag na pondo sa kalamidad.

Umaasa din ang Pa­ngulo sa kampanya ng BIR at BOC laban sa mga tax evaders at smugglers upang makakolekta ng pondo na magagamit ng gobyerno.

Show comments