MANILA, Philippines - Hindi na makakadalo sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno Aquino III at makakaboto ng bagong Senate President sa pagbubukas ng Kongreso si Senador Antonio Trillanes IV makaraang ibasura ng Makati Regional Trial Court ang kahilingan nito na makalabas ng bilangguan.
Sa inilabas na desisyon ni Makati RTC Judge Oscar Pimentel ng Branch 148, ikinatuwiran niya na “security risk” o lubhang mapanganib ang pagbibigay ng seguridad kay Trillanes kung bibiyahe pa patungong Senado mula sa PNP detention cell sa Camp Crame.
Bagama’t malungkot sa naging desisyon ng korte, sinabi ni Atty. Reynaldo Robles, abogado ni Trillanes na agad silang maghahain ng motion for reconsideration sa pag-asang mabaligtad pa ang desisyon bago ang pagbubukas ng sesyon ng 15th Congress.
Sinabi ni Robles na isang beses lamang sa loob ng tatlong taon nagbubukas ang sesyon kaya’t nakapanghihinayang naman na hindi makadalong muli rito ang kanyang kliyente na pitong taon nang nakabilanggo.
Kinontra naman nito ang katwiran ng korte na “security risk” ang pagpapalabas kay Trillanes dahil sapat naman ang ibinibigay na seguridad ng PNP habang may mga nakatalaga ring tauhan ng Office of the Sgt-at-Arms sa Senado na may kakayanang magbigay ng seguridad sa mga Senador.
Ipinaliwanag ni Robles na hindi maaaring maging basehan ng korte ang naunang pagbasura sa naunang Omnibus Motion ng kanyang abogado dahil kaiba naman ito sa inihain nilang kahilingan na dumalo lamang sa pagbubukas ng sesyon.
Sinabi ni Robles na ang blanket omnibus motion na unang tinanggihan ng korte ay sumasaklaw sa kahilingan ni Trillanes na makadalo siya sa lahat ng isasagawang committee hearing, sa lahat ng sesyon at makapagsagawa ng press conference kasama ang mga mamamahayag na nakatalaga sa Senado.
Bukod sa walang piyansa ang kaso ng kudeta na kinahaharap ni Trillanes sa Makati RTC, nahaharap din ang Senador sa General Court Martial (GCM) ng AFP kabilang ang paglabag sa Articles of War (AW) 96 ‘conduct unbecoming of an officer and a gentleman‘, AW 97 conduct prejudicial to good order and military discipline at iba pa.
Magugunita na si Trillanes ay kabilang sa hardcore na mga lider ng Magdalo Group na nanguna sa pagsakop sa Oakwood Premiere Hotel sa Makati City noong Hulyo 27, 2003 sa bigong destabilisasyon laban sa administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Muling nasangkot sa paga-aklas si Trillanes at iba pang opisyal sa siege sa Manila Peninsula Hotel sa Makati City noong Nob. 29, 2007.