MANILA, Philippines - Hindi nagustuhan ni Senator Francis “Chiz” Escudero ang ginawang pagbuwelta ng mga Abad sa mga bumabatikos at kumukuwestiyon sa kanila kaugnay sa napakaraming miyembro ng pamilya Abad na nakaupo ngayon sa administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino.
Ayon kay Escudero, dahil sa “arrogance in power” na ipinapakita ng mga Abad, tiyak na ang maaapektuhan nito ay si Pangulong Aquino at mababawasan ang mga sumusuporta sa kasalukuyang administrasyon.
Ipinaalala pa ni Escudero na wala pang isang buwan na nasa puwesto ang mga Abad kaya hindi sila dapat nagpapakita ng kagaspangan sa pagharap sa mga isyu.
“Wittingly or unwittingly they (Abad) are eroding the support base of P-Noy (Pangulong Aquino) because of their arrogance in power with the way they are handling the issue and they haven’t even been in office for more than a month,” sabi ni Escudero.
Marami ang hindi nakagusto sa ginawang mistulang pagtataray ni Congresswoman Henedina Abad nang tanungin ukol sa pagkakaroon ng maraming Abad sa Aquino administration.
Kinuwestiyon ni Congw. Abad na kung anong delicadeza ang sinasabi ng kanilang mga kritiko at pinalalaki lang daw ng media ang isyu.
Napapaulat na si Congw. Abad ang hahawak ng Committee on Appropriations sa House of Representatives samantalang ang asawa naman niyang si Secretary Florencio “Butch” Abad ang nasa Department of Budget and Management.
Bukod sa mag-asawang Abad, nanunungkulan rin sa Aquino administration ang kanilang anak na si Julia Abad na head ng Presidential Management Staff, samantalang ang anak nilang si Luis ang chief-of-staff ng secretary ng Department of Finance.
Giit pa ni Escudero na bagaman at prerogative ni Pangulong Aquino na magtalaga ng sa tingin niya ay karapat-dapat sa ibat ibang posisyon sa gobyerno, pero dapat naman aniyang harapin ng maayos ng mga Abad ang kanilang mga kritiko at di tamang tarayan at buweltahan pa ang mga ito.