MANILA, Philippines - Dapat umanong sisihin ang National Power Corp. (Napocor) sa nararanasang kakulangan sa suplay ng tubig sa Maynila.
Ayon kay dating MWSS chairman at kasalukuyang DPWH secretary Rogelio Singson, nagpakawala ng sobra-sobrang tubig ang Napocor mula sa Angat dam sa kasagsagan ng tag-ulan noong Disyembre.
Ani Singson, ang Napocor ang nagpapatakbo ng Angat dam. kaya kontrolado nito ang pagpapakawala ng tubig.
Bunsod nito, mahigit isang milyong consumers nito ang nakakaranas ngayon ng mahina hanggang sa walang suplay ng tubig.
Matatandaang inianunsiyo ng Maynilad na magkakaroon ng rotating water supply sa ilang bahagi ng Metro Manila dahil na rin sa patuloy na pagbaba ng water level ng Angat Dam.
Nagbabala pa ang Maynilad na posibleng lalo pang lumala ang kasalukuyang water situation sa bansa kung hindi pa rin mapapalitan ang tubig sa Angat Dam hanggang sa Setyembre.
Binawasan na ng Maynilad ang suplay ng raw water mula sa Angat mula sa normal supply na 2400 million liters (ML) at ngayon ay aabot na lamang umano sa 1819.08 ML.
Ayon kay Herbert Consunji, officer-in-charge at chief operating officer ng Maynilad, sa kanilang kalkulasyon, kung tuluyang bababa sa 120 meters ang water level ng Angat Dam ay tuluyan na ring mawawalan ng suplay ng tubig ang Metro Manila.
Kasabay nito, hinimok ni Consunji ang mga mamamayan na magtipid ng tubig upang hindi na lumala pa ang problema.
Naniniwala naman ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na ang dinaranas na krisis sa tubig ngayon ng Metro Manila ay sanhi ng kapabayaan mismo ng tao.
Ayon kay Caloocan Bishop Deogracias Iniguez, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Public Affairs (ECPA), isa sa malaking dahilan ng naturang krisis ay ang pagpapabaya ng tao sa kapaligiran.
Nilinaw ng CBCP official na hindi naman nais ng Diyos na magkaroon ng krisis at magdusa ang mga tao.
Gayunman, ang tao na aniya mismo ang gumagawa ng dahilan kung bakit nagkakaroon ng mga ganitong problema. (Rudy Andal/Mer Layson)