MANILA, Philippines - Inuwi na rin kaagad ang mga labi ng Pinay engineer na nasawi kasama ang 30 iba pa sa isang hotel fire sa Iraq.
Sa report sa Department of Foreign Affairs, ang bangkay ni Maricar Cente ay isinakay mula Sulaymaniyah via chartered flight kahapon ng hapon patungong Beirut saka dadalhin sa Dubai pauwi sa Manila.
Si Cente na empleyado ng Asiacell Mobile Company na nakabase sa nasabing siyudad ay kabilang sa mga dayuhang minalas sa naganap na sunog sa Hotel Soma sa Sulaymaniyah City, Kurdistan Regional Governorate sa Iraq.
Dalawa pang OFW ang nasugatan na sina Morelo Ermitano na nasa hospital pa bunga ng nabaling hita at si Ritchie Salcedo.
Base sa report, ang sunog ay nagsimula sa isang furniture shop at nadamay ang katabing limang palapag na Soma Hotel kung saan tumutuloy ang mga biktima.
Karamihan sa 30 biktima ay nakipagsapalarang tumalon sa gusali upang makaiwas sa naglalagablab na apoy subalit namatay sila sa pagkadurog ng katawan sa kanilang pagbagsak sa lupa.