MANILA, Philippines - Binigo ng mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) ang pag-alis sa bansa ng may 11 kababaihang sinasabing magta-trabaho bilang prostitutes sa abroad matapos silang sitahin at hindi payagang makasakay ng eroplano ng mga tauhan ng Migration Compliance ang Monitoring Group (MCMG) ng BI sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), kahapon.
Ayon sa impormasyon, nagpanggap umanong mga turista ang mga kababaihan para malusutan ang grupo ng MCMG na masusing nagmamatyag ng mga sindikato na bumibiktima ng mga gustong matrabaho sa ibang bansa.
Hindi muna ibinunyag ang pangalan ng Solvenian national na sinasabing courier ng mga human trafficking syndicate
Ayon sa impormasyon, dadalhin ang mga nasabing kababaihan sa isang lugar sa Bangkok, Thailand at pagkatapos ay may kukuha sa kanila na isang grupo dito na magdadala sa kanila sa ibang lugar para umano mamasukan bilang prostitutes.
Gayunman, matapos ang masusing imbestigasyon ay nagsalita ang mga biktima na libre ang kanilang pamasahe papuntang abroad kaya sila pupunta dito sa pangakong may malaki silang sahod na makukuha.
Ayon sa isang biktima na ayaw ipabanggit ang pangalan, hindi nila alam kung anong trabaho ang ibibigay sa kanila pagdating sa lugar na ipinangako ng recruiter pero anito nakahanda siyang mamasukan ng kahit na ano basta sumahod ng maganda para sa kanyang pamilyang maiiwanan sa Pilipinas.