MANILA, Philippines - Matapos ang pananalasa ng bagyong Basyang, panibagong bagyo ang nagbabantang pumasok sa bansa matapos maging isang active low pressure area ang namataang shallow low pressure sa southern Luzon kahapon.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, binabantayan na ng PAGASA ang LPA na naispatan 80 kilometro sa hilagang bahagi ng central Luzon.
Sinasabing mula sa shallow low pressure area ay naging aktibo ito kaya posibleng mabuo sa isang bagyo na tatawaging “Kaloy”.
Kaugnay nito, sinabi ni retired General Benito Ramos, administrator ng National Disaster Coordinating Council na handa ang NDCC sa posibleng maging ganap na bagyo ang naturang sama ng panahon.
Sa mga mangingisda naman na gustong pumalaot para kumuha ng makakain, paalala ni Ramos na magsuot ng makulay na damit o t-shirt tulad ng orange, pula at yellow upang madaling makita ng mga nasa eroplanong magliligtas sa kanila.
Mahirap umanong makita ng mga rescuers na nasa eroplano ang kulay tulad ng itim at green na lumulutang sa karagatan.
Samantala, isang international flight aircraft, tatlong domestic flights at apat pang eroplano ang kinansela dahil sa ‘poor visibility’ at sama ng panahon, kahapon.
Pinalipat at pinalapag sa runway ng Diosdado Macapagal International Airpot (DMIA) ang eroplano ng Singapore Airlines samantala tatlong domestic flights ang lumapag din sa nasabing paliparan.
Apat na domestic flights din ang kinansela ang paglipad dahil sa sama ng panahon.