MANILA, Philippines – Umaasa ang National Press Club (NPC) na ikukunsidera ng Department of Justice (DOJ) ang panukalang pagbuo ng “Super Body” na siyang tututok sa mga insidente ng pagpatay sa mga miyembro ng media.
Sa liham na isinumite ng NPC kay Justice Secretary Leila de Lima, iminungkahi nito ang pagbuo ng Super Body laban sa media killing at media killers.
Sinabi ni NPC President Jerry Yap, ang panukalang Super Body ay kahalintulad ng operasyon ng kasalukuyang Task Force 211 ngunit mas magiging malawak lamang ang saklaw nito, bukod pa sa malawakang partisipasyon ng media bilang miyembro.
Batay sa proposal, ang komposisyon ng Super Body ay pamumunuan ng State Prosecutors mula sa DOJ, detectives and investigators na miyembro ng NBI at PNP, at Network of media men.
Ang nakatalagang prosecutors at investigators ay kailangan umanong magbigay ng weekly reports sa mamamahayag na miyembro ng body samantalang ang network of media ay may kapangyarihan na makapagtanong sa local prosecutors na may hawak sa kaso.
Sa record ng NPC halos 104 journalists ang napatay sa nakaraang dekada subalit hindi nabigyan ng hustisya ang mga ito, kabilang ang 32 journalist na biktima na Maguindanao massace at 3 pang napatay limang araw bago ang panunumpa ni Pangulong Noynoy Aquino.