Gavel ayaw ipagamit ni Enrile
MANILA, Philippines – Ipinahiwatig kahapon ni Senate President Juan Ponce Enrile na tutol siya na pamunuan ang Senado ng isang acting president sakaling walang mahalal sa pagbubukas ng sesyon sa Hulyo 26 dahil ayaw nitong ipagamit ang gavel at paupuan ang puwesto niya sa rostrum.
Ayon kay Enrile, walang karapatan ang sinumang senador na magamit ang ‘gavel’ o pamukpok na ginagamit ng Senate President kung may sesyon at maupo sa rostrum kung hindi naman ito ibinoto ng 13 senador.
Pero nilinaw nito na hindi rin siya ang magbubukas ng sesyon sa Hulyo 26 kundi ang Senate Secretary sa katauhan ni Atty. Emma Reyes.
“When the session opens I will not preside. I will ask the senate secretary to do that. She is allowed to do that,” sabi pa ni Enrile.
Agad ding nilinaw ni Enrile na hindi siya kapit-tuko sa kaniyang puwesto kaya pumirma siya sa resolusyon na nagsusulong kay Senator Francis “Kiko” Pangilinan na maging senate president.
Malakas ang ugong sa Senado na malabong makuha ni Pangilinan at maging ni Senator Manny Villar ang 13 boto ng kanilang mga kasamahan kaya posibleng pumili na lamang sila ng isang acting senate president.
- Latest
- Trending