MANILA, Philippines - Naghain ng “not guilty” plea si dating NEDA secretary Romulo Neri sa ginawang arraignment kahapon sa Sandiganbayan kaugnay ng kasong katiwalian na may kinalaman sa umano’y pagkamal ng may $329-million national broadband network project sa isang Chinese firm.
Matapos ang arraignment, agad namang umalis ng Sandiganbayan si Neri at tikom naman ang bibig sa media para kumpirmahin kung maaari siyang maging isang state witness kaugnay ng kasong ito.
Pero sinabi ni Atty. Paul Lentejas, abogado ni Neri, na wala pang desisyon ang kanyang kliyente kung interesado itong maging isang saksi sa kaso o makikiisa sa “Truth Commission” para busisiin ang mga anomalyang kinasasangkutan ni dating pangulong Gloria Arroyo tulad ng ZTE-NBN deal.
Ang kasong ito ay naisampa ng tanggapan ng Ombudsman sa Sandiganbayan laban kina Neri at dating Comelec chairman Benjamin Abalos dahil sa umano’y pagkakasangkot ng mga ito sa pinasok na kontrata ng pamahalaan sa China’s Zhong Xing Telecommunications Equipment (ZTE) Corp. noong 2007.