MANILA, Philippines - Inaasahang lalaya na ang bihag na anak ni Comelec Commissioner Elias Yusoph matapos mapatay sa engkuwentro ng tropa ng militar ang isa sa mga lider ng mga kidnapper na may hawak dito nitong Miyerkules ng hapon sa bayan ng Masiu, Lanao del Sur.
Kinilala ni AFP-Western Mindanao Command Chief Lt. Gen. Ben Mohammad Dolorfino ang nasawing lider ng mga kidnappers ay si Dimaporo Dimasacal alyas Commander Delta Force.
“We have been exerting pressure, there is an ongoing negotiations from the Council of Elders, we are hopeful he will be freed soon “, ani Dolorfino sa phone interview.
Si Commander Delta Force ang isa sa tatlong grupo na nagpapasa-pasa sa bihag na si Nuraldin Yusoph, 21-anyos na ayon kay Dolorfino ay nasa ligtas na kalagayan dahilan wala ito sa en counter site.
Bandang alas- 3:30 ng hapon ng masabat ng mga elemento ng Army’s 51st Infantry Battalion at Army’s 103rd Infantry Brigade ang grupo ni Commander Delta Force sa bahagi ng Brgy. Aleem Rayah Karamian, Masiu, Lanao del Sur na nauwi sa bakbakan ng magkabilang panig na ikinasawi ng nasabing lider ng mga abductors ni Yusoph.
Ayon kay Dolorfino sa kasalukuyan ay demoralisado na ang mga kidnappers sa pagkakapatay sa lider nilang si Commander Delta Force at bunga nito ay tiwala silang mapapawalan na si Nuraldin ng kaniyang mga abductors.
Magugunita na si Nuraldin ay binihag ng mga armadong kidnappers matapos itong magsimba sa isang mosque sa Marawi City noong Hunyo 20.